Choice I don't remember making.

Iiyak ka na lang ba?

Nakatitig ang aking mga mata sa labas ng bintana. Malamig ang simoy ng hangin. Nakatunganga lang. Nananaginip na sa bawat pag-ihip ng hangin ay isasama nito papalabas lahat ng dinaramdam kong problema. Naghahangad na sana, sa bawat pagtunog ng segundo ng orasan ay matutuyo bawat patak ng aking luha. Magdidilim na. Mabilis ang paglipas ng bawat araw. Hindi na katulad ng dati. Hindi na katulad noong bata pa ako, buong mahabang araw na paglalaro. Nakapagtataka na sa bawat araw na dumadaan ay para bang walang pagbabagong nagaganap, ngunit kapag lumingon ka sa nakalipas at ikinumpara sa kasalukuyan, ang laki na pala ng pinagbago mo. Hindi mo namalayan, malaki ka na pala.

Malaki na para iyakan pa ang isang laruan.

Malaki na para kulitin ang mga nakatatanda para magtanong ng mga walang katuturang tanong.

Malaki na kaya kailangan nang tumayo sa sariling mga paa.

At malaki na kaya kailangan ng bumuo ng sarili mong desisyon.

Tapos na ang mga pagkakataong animo’y walang magpapabaya sayo. Tapos na ang mga araw ng mahabang paglalaro. At tapos nang itanong ang mga tanong na wala namang kwenta. Nakakapagod din kasi magtanong. Hindi ka na bata. Hindi na ipagtitimpla pa ng gatas. Hindi na susubuan pa kapag kumakain. At hindi na dapat madapa at masugatan.

Pero bakit parang lumala?

Masarap ang pakiramdam maging isang bata. Minsan nagsisisi ako at noong bata ako ay ipinagpipilitan ko ang sarili ko na lumaki na para magawa ko na ang mga ginagawa ng mas nakatatanda. Nalulungkot ako at inisip ko noon na kapag lumaki na ako ay magiging masaya ako ng sobra. Bata nga talaga. Nangungulila ako sa pag-iyak ko noon. Iniiyakan ko ang maliliit na bagay na noo’y malaking bagay na para sa akin. Iba ang iyak ko noon, kumpara ngayon. Malala pa ata. Mas naging iyakin ako. Ewan ko kung saan na galing ang luha ko pero kapag nagsimula na ang unang patak, diretso na itong bumubuhos na para bang ayaw na tumigil sa pag-agos. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing pinipilit kong maging matapang, nanginginig ang aking loob.

Naalala ko minsan, tinanong ako ng katabi ko sa bus,

“ Iiyak ka na lang ba? ”

Hindi lang ako umimik.

“ Alam mo, kung problema yan, pilitin mo ang sarili mo na makahanap ng solusyon. At kung may pinagdadaanan ka man, daanan mo lang. Wag mo tambayan. Naniniwala akong lahat ng pangyayari may rason. At lahat ng problema, may solusyon. Pero kung wala ka talagang mahanap na solusyon, siguro mali ka. Hindi ‘yon problema, siguro isa yong katotohanan na dapat mong tanggapin. Hindi sa lahat ng oras ay magiging masaya ka. Hindi rin sa lahat ng oras ay makukuha mo ang gusto mo. ”

Medyo natigil ako. Pero bakat pa rin ang lungkot sa mata ko. Siguro nga tama siya, isa yong katotohanan na dapat kong tanggapin.

Nalaman kong masakit pala talaga ang katotohanan.

Mahirap tanggapin pero kailangan.

- End of part 5 -

(Source: clyff)

Notes

  1. 81heartbeatsperminute reblogged this from clyff
  2. clyff posted this

About

Clyff Lanuza| Biologist | Public blogs | I write : Essays ; Poem ; Story ; Humor | I doodle too



Just some stupid blogs I keep writing about.
Poems I write from my deepest heart.
Humor that's weird as fuck.
And essays I am pushed to write.
Thank you for reading.
Highly appreciated.

Keep reading.


Wordpress | Fizzer | Blogspot

Credits